Summer rain

I long for the summer rain, 

to breathe life

once again

to–
a heart

that couldn’t be moved

even by the strongest of wind;
a heart

that has withered

slowly, day by day;
a heart

that turned into a stone

when summer came to end.

Maling akala

Akala ko limot ko na 

ang sakit nung titigan mo ako sa mga mata

at sabihing, “Sorry. Ayoko na.”

Mali ako, hindi pa pala. 


Akala ko kaya ko nang buksan

ang kahon kung saan ko ibinaon

ang pusong iniwan mong sugatan

sampu ng mga alaalang matagal nating inipon.

Mali ako, hindi pa pala.


Akala ko tuluyan nang naghilom ang sugat

na idinulot nang biglaan mong paglisan

ngunit mayroon palang maiiwang malaking pilat

na patuloy na magpapaalala sa sakit na iyong idinulot.

Mali ako, hindi pa pala.


Akala ko kaya ko nang muling magtiwala

sa mapagbirong tadhana

ngunit sa tuwing susubukan ko

naduduwag ako,

natatakot ako na baka muling mamatay

ang puso kong pinilit kong binigyan ng pangalawang buhay.

Mali ako, hindi pa pala.


Taon na rin ang lumipas

pero bakit hindi pa rin ako makaalpas

sinubukan kong lumipad palayo

ngunit laging may humahatak sa akin

pabalik sa kung saan mo ako iniwan;

parang isang kandilang

unti-unting nauupos sa gitna ng kadiliman.


Gusto kong sabihin na,

“P*t*ng*na madaya ka!”

ni hindi mo man lang ako hinayaang makatawid muna

papunta sa kabilang dulo bago mo pinutol ang tulay

na nag-uugnay sa ating dalawa

bago ka tumakbo patungo sa piling niya.


Sabi mo gusto mo lang akong maging masaya

pero hindi ko alam kung anong pumasok sa utak mo

para busugin mo ako sa pagsasabi ng “Mahal kita!”

pagkatapos ay sasabihin mo 

na ito’y walang laman at puro hangin lang pala.


Hindi ko alam kung paanong

biglaan ka na lang natauhan

na tayo’y walang patutunguhan

Nakalimutan mo na ba noong sinabi mong, “Ingat, pakakasalan pa kita.”

Aba, nabagok ka yata?


Nakalimutan mo na rin ba

noong sinabi mong hindi mo kaya

kung sakaling iwanan kita

Anong nangyari at ikaw pa ang nagmakaawa

para tuluyang layuan na kita.


Kung iniisip mo na mahal pa rin kita

‘wag kang mag-alala dahil nagkakamali ka

Wala nang tayo. 

Tapos na. Matagal na. 

Maaaring bukas makalawa

hahayaan ko nang makawala

ang pusong kay tagal ikinulong

 sa gapos ng “baka pwede pa.”